btrc_header_4

Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines

Standing fast in one spirit with one mind striving together for the faith of the gospel which was once delivered unto the saints. (Phil 1:27, Jude 3)
Home About Us Beliefs and Practices Standards History Articles Publication Classis News Archive Directory Menu

Si Joseph Smith at ang mga ‘Mormons’


Hindi lamang si Ellen G. White ang tanging nakakakita ng mga pangitain sa America. Gayon din ang tusong si Ginoong Smith. Sa batang edad na 38, si Joseph Smith, unang naging presidente ng Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints, ay namatay sa baril ng mga asasin. Sa kanyang kamatayan, siya ay naging isang martir para sa kanyang sariling hangarin at isang lalaki ng kahiwagaan. Sa ilang taon lamang ay naitatag niya ang isa sa mga pinaka-kakaibang kulto sa lahat.


Isinilang si Smith noong Disyembre 23, 1805 sa Sharon, Windsor County, Vermont, ang pang-apat sa sampung magkakapatid. Itinakda siyang mapalaki sa kamangmangan at karalitaan sa gabay ng isang mapamahiing ama na mahilig maghanap ng mga nakabaong kayamanan. Nang si Joseph ay sampung taon lumipat ang kanyang pamilya sa Palmyra, New York kung saan maraming kontrobersiya sa relihiyon. Maglaon ay sinabi ni Smith na binagabag siya ng mga argumento sa mga usaping pangrelihiyon. Inisip niya kung aling simbahan ang kanyang aaniban. Inangkin niya na minsan isang gabi ay nagpakita sa kanya ang Diyos Ama at ang Diyos Anak upang payuhan siya. Noong 1819 isang pagdalaw ng Diyos ang muling nangyari. Sa pagkakataong ito sinabihan si Smith na huwag nang umanib sa kahit anong denominasyon. Marami pang mga sumunod na pangitain sa kanya.


Noong Setyembre 22, 1823 nang si Joseph ay 18 taong gulang, isang anghel na nagngangalang Moroni ang nag-akay sa kanya tungo sa ilang mga gintong tapyas na nakabaon sa isang batong kahon sa “Hill Cumorah” apat na milya mula sa Palmyra. Nakasulat sa mga tapyas na ito na pinagdudugtong ng mga gintong argolya, ay ang kasaysayan ng sinaunang America. Ang kasaysayan ay nasulat sa umanoy “reformed Egyptian characters” at ibinaon noong AD 420. Ang sinaunang “lenggwaheng” ito ay posible lamang maisalin dahil sa dalawang espesyal na salamin sa mata na naiwan din. Ang salamin ay dalawang kristal na nakakabit sa pilak na panghilis (bow). Gamit ang “Urim at Tumim” na ito, ayon sa tawag ni Smith, naisalin niya at nailathala ang Book of Mormon (1830).


Ang aktwal na pagsasalin ay isinagawa sa likod ng isang kurtina. Idinikta ni Smith ang gawa kay Martin Harris na nakaupo sa kabila ng kurtina. Kapag napagod na si Harris na magsulat, hinahayaan ni Smith na si Oliver Cowdery ang magsulat. Ang resulta ng lahat ng gawaing ito ay isang kakaibang kasaysayan ng mga tao sa Hilagang America. Nang makumpleto na ang pagsasalin, ibinalik ni Smith ang mga gintong tapyas sa burol kung saan niya nakuha ang mga ito. Dumating ang anghel na si Moroni at kinuha ang mga tapyas pati na ang mga espesyal na salamin.


Isa sa mga kapansin-pansing resulta ng salin ni Smith sa mga tapyas kung saan nakasulat ang mga titik na “reformed Egyptian” ay kadalasan ay nagpapakita ng eksaktong pagkakasipi ng Biblia sa King James Version (AD 1611)! Ang problema dito, siyempre, ay naglalaman ang “salin” na ito ng mga kataga at kaisipang moderno na hindi pamilyar sa umano’y sumulat nito noong AD 420 pa.


Ngunit ang katotohanan sa likod ng “pagsasaling” ito ay nasa katotohanang ang talagang manuskritong ginamit nina Smith, Harris at Cowdery ay isa palang nobelang pangkasaysayan na sinulat ni Solomon Spaulding, isang pastor na Presbyterian na pumanaw sa Conneaut, Ohio noong 1816 bago naipalimbag ang nobela. May ebidensya na ang nobela ay natuklasan ni Sidney Rigdon sa imprentahan nina Patterson at Lamdin sa Pittsburg, PA. Marahil ay tinangka ni Rigdon na ipalimbag ito upang pagkakitaan. Ngunit ang tiyak ay si Joseph Smith ay isang handang kasabwat na may imahinasyong isingit sa mga pahina nito ang mga talata sa Biblia. Isiningit din ang mga kathang isip na kuwento ng Italianong mistiko na si Abbot Joachim ng Flora (namatay: 1202), tagapagtatag ng isang sektang relihiyon noong ika-13 siglo na tinawag na The Order of Flora. Mula sa sinaunang pamagat ng mga pangunahing katha ni Joachim, na nailathala pagkamatay na niya, The Everlasting Gospel (1254), ay nadagdag ang isang bagong parirala (phrase) sa “rebelasyong” Mormon.


Nang mailathala na ang The Book of Mormon, pakumbabang tinagurian ni Smith ang sarili niya bilang “seer, translator, prophet, apostle of Jesus Christ, at elder of the Church.” Sa diwang ito (na malayong sumasalamin sa kapakumbabaan at kaamuan ni Cristo), pormal niyang itinatag noong Abril 6, 1830 ang Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints. Anim na myembro ang naroon upang sumaksi na iginawad ng mga apostol ng Panginoon na sina Pedro, Santiago, at Juan kina Smith at Oliver Cowdery ang pagkapari ni Melcizedec na mas mataas kaysa sa pagkapari ni Aaron.


Habang lumalaganap ang balita na may makabagong Propeta na isinugo ng Diyos upang panumbalikin ang iglesya, batay sa pagkakasulat ng isang bagong “Biblia,” ang pagkamausisa pa lamang ay dahilan na upang pakinggan ang pangahas na lalaking ito at ang kanyang mensahe. Bilang isang karismatikong lider na mayroong maraming kahusayan, kabilang na ang isang malinaw na imahinasyon, nakahikayat si Smith ng maraming tao na bukas-palad na nagbigay para sa kanyang hangarin.


Ngayong mayroon na siyang pagkukunang pinansyal, naitatag ni Smith ang sentro ng kanyang mga operasyon sa Kirtland, Ohio. Subalit nang bumagsak ang Safety Bank sa Kirtland na pagmamay-ari ng mga Mormons ay tumakbo si Smith tungong Missouri—kung saan siya inaresto. Pinatakas si Smith, matapos niyang suhulan ang mga nagkulong sa kanya, sa kundisyong lilipat siya sa Illinois.


Nang maging matatag na si Smith sa Illinois, sinamahan siya ng kanyang mga tagasunod. Sama-sama silang tumira sa Commerce, sa Ilog Mississippi, at pinalitan ang pangalan ng bayan na Nauvoo. Hinirang ni Smith ang kanyang sarili na major, at commander ng Nauvoo Legion (isang pangkat milisya ng estado na ang mga uniporme ay siya mismo ang nagdisenyo), at noong Pebrero, 1844 ay ipinahayag na tatakbo siya sa pagkapangulo ng Estados Unidos.


Nang ang isang grupo ng mga lokal na residente, na sinamahan pa ng mga nayayamot na Mormons ay naglimbag ng mga pahayag na kumukutya sa ambisyong maging presidente, tumutuligsa sa pagkakaroon ng maraming asawa, at kumukuwestyon sa kanyang pamumuno, iniutos ni Smith na wasakin ang mga imprentahan, na isinagawa ng mga militanteng Mormons. Sa kasong pagwasak ng pag-aari, inaresto si Smith kasama ang kanyang mga kapatid na sina Hyrum at John Taylor. Ikinulong ang magkakapatid sa bilangguan sa Carthage, Illinois. Hindi ligtas at walang seguridad ang bilangguan. Noong June 27, 1844 pinasok ng nagkakagulong tao ang bilangguan at pinaslang ang magkapatid na sina Joseph at Hyrum. Nakaligtas si John sa mga asasin upang maging pangatlong presidente ng Latter-Day Saints Church.


Bagamang kinikilala ng mga Mormons na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos na pinanumbalik ang tunay na iglesya, ang mga taong kabilang sa tunay na Iglesya ay itinuturing siya na bulaang propeta, na tinalikuran at binago ang mga pangunahing katuruan ni Cristo, habang nabubuhay sa kahiya-hiya at mahalay na pamumuhay na batay sa pag-aasawa ng marami. Bagamang isang asawa lamang ang ipinakilala ni Smith sa publiko, si Emma Hale (pinakasalan: 1827), na nagbigay sa kanya ng siyam na anak, ang marami niyang asawa ay umabot sa dalawampu’t apat. Nang tutulan ni Emma ang imoral na pamumuhay ng kanyang asawa, tumugon si Smith sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain mula sa Diyos: “At tanggapin ng aking lingkod na babaeng si Emma Smith, ang lahat ng ibinigay sa Aking lingkod na si Joseph, at silang matuwid at malinis sa aking harapan” (English: “And let Mine handmaid, Emma Smith, receive all those that have been given unto My servant Joseph, and who are virtuous and pure before Me” Doctrines and Covenants, Sect. 132). Hindi ito ikinatuwa ni Emma, ni hindi niya kinilala ang sinumang babae bilang ligal na asawa ni Joseph.


Tatlong aklat ang nagpapahayag ng mga paniniwala at kaugalian ng mga Mormons: The Book of Mormon, at dalawa pang mas maiksing panulat na pinagsama sa isang volume, Doctrine and Covenants at Pearl of Great Price. Ang maraming katuruan ng Mormonism sa mga konserbatibong Cristiano, ay gayong nakakagalit para kay Cristo para mabanggit pa ang mga ito. Sapat na ang ilang halimbawa. Ang mga katuruang ito ay hango sa bahagi ng mga sumusunod na panulat: “What the Mormons Think of Christ” Missions Office of the Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints, Salt Lake City; The Book of Mormon; at Doctrine and Covenants.


ANG MGA DOKTRINA NG MORMONISM


Tinuturo ng Mormonism na ang Diyos ay isang pinadakilang (“exalted”) tao, minsang naging isang tao sa mundo tulad natin ngayon, patuloy na nagbabago at umuunlad ngunit hindi ganap na perpekto. “Ang Diyos mismo ay minsang naging katulad natin ngayon, at isang pinadakilang tao, at nakaluklok na naghahari sa kalangitan: unang prinsipyo ng ebanghelyo na malaman na minsan siyang naging tao tulad natin; oo, na ang Diyos Ama nating lahat ay nanirahan sa lupa, tulad din ng ginawa ni Jesu-Cristo.” Minsang tinuro ng Mormonism na si Adan ang Ama ng lahat, ang Prinsipe ng lahat, at ang Matanda sa mga Araw. Si Adan ay Diyos. (Tingnan ang Journal of Discourses ni Brigham Young, Vol. I, p. 50).


Tinuturo ng Mormonism na ang lahat ng tao ay nabuhay sa isang pre-mortal state bago sila isilang sa sanlibutang ito; ang lahat ay nabuhay sa pre-mortal existence bilang mga espiritung anak ng Ama [iyon ay, ang Diyos Ama, isang pinadakilang tao, sa pamamagitan ng kanyang makalangit na asawa (o mga asawa) ay nagbunga ng mga espiritung anak. Ang ibinibigay ng mga tao ay katawan para sa mga pre-existing spirits na bunga ng sekswal na ugnayan sa langit].


Si Jesu-Cristo ay hindi eternal na Diyos, tunay na Diyos buhat sa tunay na Diyos. Kundi siya ang unang bugtong na anak sa mga espiritung anak ng Ama (Doctrine and Covenants 93:21-23)


Pagkabangon ni Jesus mula sa mga patay nagpakita siya sa mga tao sa Hilagang America (The Book of Mormon, Ether 3:14, 16; 2 Nephi 11:7-11; Ether 12:39). Tinuturo ng Mormonism na sa pamamagitan ni Joseph Smith lamang ay napanumbalik ang perpektong pagkakilala kay Jesu-Cristo. Sa panunumbalik ng Ebanghelyo ni Cristo sa pamamagitan ni Propetang Smith ay dumating ang totoo at banal na pagkapari―ang awtoridad buhat sa Diyos upang mangasiwa sa mga ordinansya ng kaligtasan.


ANG LANDAS PAKANLURAN


Ang maagang kamatayan ni Joseph Smith ang nagbunga sa mahusay ngunit malupit na pinuno sa katauhan ni Brigham Young. Ang kalupitan niya ay malalantad sa Mountain Meadow Massacre (1857). Nang ang isang pangkat ng mga imigranteng nagmula sa Arkansas at patungo sa California ay tumangging umanib sa mga Mormons, pinigilan sila sa pamamagitan ng pagpatay. Noong 1877, binitay ang Mormon na si John D. Lee dahil sa pakikibahagi sa masaker.


Isa sa mga unang ginawa ni Young pagkamatay ni Joseph Smith ay ipagpatuloy na sikapin at kumbinsihin ang publiko na si Smith at ang The Book of Mormon ay tunay ngang bagong kilos ng Diyos. Sabi ni Young, “Bawat Espiritu na nagpapahayag na si Joseph Smith ay isang propeta, at na ang The Book of Mormon ay totoo, ay sa Diyos, at ang bawat Espiritu na ayaw ay sa Anticristo!” Unang umanib si Young sa mga Mormons noong ang mga tagasunod ng Propeta ay nakahimpil sa Kirtland, Ohio (1831-1837). Maglaon, si Young ay napabilang sa “Labindalawang Apostol.” Sa pamumuno niya lumipat ang mga Mormons pakanluran tungo sa Valley of the Great Salt Lake. Isang dalubhasang taga-organisa, at isang pangahas na nagkukuntrol ng mga pag-iisip, inakay ni Brigham Young ang mga Mormons hanggang sa siya’y mamatay noong 1877. Naiwan niya ang ari-ariang nagkakahalaga ng kalahating milyong dolyar, labingpitong asawa, at limapu’t anim na anak.





The Bastion of Truth

imageyoucanhear

A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.